Sinagtala
Lupang hinirang, hindi lupang hiniram. Bayang itinatangi, hindi itinatanggi. Bansang pinipili, hindi pinipilit. Pilipinas, binabagtas, ngunit hindi pinipilas.
Limang daang taon na ang nakalipas mula noong dumaong ang barkong Trinidad sa bansang Pilipinas, lulan ang manlalakbay na si Fedinand Magellan at higit 150 na kalalakihang nagmula sa bansang Espanya gamit ang mga tala sa mapa at kalangitan upang ipakalat ang relihiyong Katolisismo at marating ang lupaing Moluccas o spice island. Sa kanilang paglalakbay ay natanaw nila ang isang isla sa ating bansa noong Marso 16, 1521 na tinawag na ‘Humunu’, na ngayon ay Homonhon, Samar.
Sa mga panahong iyon, walang ideya ang mga pilipino na ito na pala ang simula nang pagbabago ng paniniwala’t pagkakakilanalan ng ating pagkatao. Mainit ang naging pagtanggap ng mga pilipino sa mga dayuhan, sa pamamalagi nila sa Homonhon. Sa katunayan, ang Datu na si Garas-garas ay naghandog pa ng mga pagkain at ginto sa kanila na pinalitan ni Magellan ng mga sombrero, palamuti sa katawan, mga damit at pabango na malayong ginagamit ng mga pilipino noon, ngunit hinahango na natin ngayon.
Sa librong “First Voyage Around the World” na isinulat ni Antonio Pigafetta, isang manlalakbay na kasama ni Magellan, ipinakilala niya ang mga pagkaing inihanda sa kanila ng mga pilipino at kung paano sila tinanggap ng ating bansa, nang marating nila ang Limasawa, Leyte noong Marso, 25, 1521, kung saan naganap ang unang misa ng relihyong Katoliko noong Marso 31, 1521, na ginugunita pa rin hanggang ngayon bilang Easter Sunday.
Hanggang ngayon, naririnig pa rin natin ang mga dagundong ng tambol, trumpeta at ang mga gong o batingaw na pinapatugtog sa tuwing ipinagdiriwang ang Sinulog Festival sa Cebu City bilang papuri sa Santo Niño na nagsilbing regalo ni Magellan sa asawa ni Rajah Humabon, ang pinuno ng isla sa Cebu, kung saan bininyagan at naging ganap na Katoliko ang walong daang Cebuano at ang mga pinuno dito. na kinontra ni Datu Lapu-lapu.
Pinili ni Datu Lapu-lapu na makipagdigmaan para sa kalayaan kaysa kilalanin ang kapangyarihan ng isang dayuhan. Dito nakilala ang ating pagkatao, bilang Pilipino, na pipiliin ang Pilipinas, hindi pasisiil at papipilit sa kahit sinong manlulupig. Halos isang libo’t limang daang mandirigma ang pumanig kay Datu Lapu-lapu sa digmaan sa Mactan noong Abril 27, 1521, na naging dahilan nang pagbagsak ng manlalakbay na si Ferdinand Magellan. Ito ang dahilan ng siraksarinlan at pagtingala sa mga tala ngayon, upang magbalik-tanaw at makalipad sa pagsikat ng araw.
Katulad ng sinag ng tala, nag-iwan ang maingay na tunog nang sumasaklaw na barko ng bagong katauhan at tahimik na kalayaan sa Pilipimas. Bagama’t nag-iwan ng gulo, naghatid naman ng hindi pangkaraniwang pagkatao. Ang ala-alang ito ay kawangis ng sinag ng talang maliwanag ngunit hindi nakasisilaw. Nag-iwan ito ng tapang na nagbabaga ngunit hindi nakasusunog. May bakas ng paninindigang matalim ngunit hindi nakasusugat at bayanihang mainit at dumadagundong ngunit hindi nakabibingi at naghahatid ng kapayapaan.
Ito ang sinagtala na habang buhay na maitatala sa bansang ang tagumpay ay magningning at ang bituwin at araw ay kailanma’y hindi magdidilim.